“Mission accomplished”, ito ang pahayag ni Western Visayas Regional Director Chief Superintendent Cesar Hawthorne Binag matapos na ma-neutralize o mapatay sa anti-drug operation ng PNP noong Biyernes ng gabi ang top drug lord umano ng Western Visayas na si Richard Prevendido alias Buang.
Ayon sa PNP, matagal nang nagtatago sa batas si Prevendido simula noong ma-identify ito bilang isang national top priority high value target noong nakaraang taon.
Isisilbi sana ng mga pulis ang warrant of arrest laban kay Prevendido sa isang bahay na tinutuluyan nito sa barangay balabago sa Jaro District. Ngunit sinalubong umano sila ng mga putok ng baril mula sa suspect na nauwi sa bakbakan.
Patay din sa operasyon ang anak ni Richard Prevendido na si Jason Prevendido. Narecover sa crime scene ang iba’t-ibang kalibre ng mga baril at bala, isang crossbow, mga patalim, laptops, cellphones, mga alahas, wallet na may id at shabu.
Gayunpaman, hindi umano titigil ang mga pulis sa kanilang mga anti-drug operations hindi lamang sa Iloilo City kundi sa iba’t-ibang panig ng Western Visayas.
(Vincent Arboleda / UNTV Correspondent)