TNVS community, nanawagan sa Pangulo na aksyunan ang pagpapahirap umano sa kanila ng LTFRB

by Erika Endraca | June 28, 2019 (Friday) | 6776

MANILA, Philippines – Nagpapasaklolo ang Transport Network Vehicle Service (TNVS) community kay Pangulong Rodrigo Duterte at Transportation Secretary Arthur Tugade tungkol sa umanoý pahirapang pagkuha ng prangkisa mula sa Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB). 

Giit ng grupo, taliwas anila iyon sa direktiba ng pangulo na pabilisin ang proseso sa mga transaksyon sa pamahalaan sa ilalim ng ease of doing business at efficient government service delivery act. 

“Gustuhin man po namin na ayusin ang aming mga papeles para makapaghanapbuhay ng walang pangamba, ngunit ginigipit po kami ng ltrfb at sadyang pinahihirapan na makakuha ng pa at cpc” ani Tnvs Alliance Philippines  President Aylene Paguio.

Pagdidiin ng grupo, libo-libong tnvs drivers ang nawalan ng kabuhayan matapos mapilitan ang grab philippines na i-deactivate ang 8,000 partners nito dahil sa deadline na ibinigay ng ltrb.

Kaya hiling nila na mabigyan ng amnestiya ang deactivated na tnvs drivers. Hinihiling din ng grupo na mabigyan ng beta test ang mga tnvs na hatchback gaya ng ginawa ng regulatory board sa angkas. 

Bukod sa mahirap na requirements, naaantala rin umano ang hearings ng kanilang application dahil hindi tumutupad ang ltfrb sa binigay nitong schedule. 

Ang isyung ito ay hindi lamang nangyayari sa Metro Manila, kundi sa Cebu, Bacolod At Pampanga. Sa ngayon ay hinihitay pa ang pahayag ni Ltfrb Chairman Martin Delgra III ukol sa isyu.

Samantala, wala namang balak ang grupo na magsagawa ng kilos protesta. Pag-uusapan na lamang umano nila sa mga susunod na araw ang mga legal na hakbang kaugnay ng kanilang hinaing. 

(April Cenedoza | Untv News)

Tags: , ,