Mula 41.9 percent, naging 48.7 percent ang confidence index o business outlook sa ekonomiya ng bansa ayon sa pinakahuling survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Ibig sabihin, mas tumaas ang tiwala ng mga may-ari ng negosyo at kumpanya sa ekonomiya ng Pilipinas.
Kinuha ang survey nationwide mula April 1 hanggang may 17, 2016 sa 1,482 business respondents.
Ayon sa ulat, ilan sa dahilan ng positibong pananaw ng mga negosyante ay ang paggastos para sa nakalipas na may 9 national elections, ang pagtaas ng bilang ng mga proyekto, pagtaas ng demand ngayong summer at pagdami ng mga turista, mababang inflation, stable interest rate, at mataas na foreign investment.
Ayon din kay Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Diwa Guinigundo, maaaring nakaapekto rin ang resulta ng nakalipas na eleksyon kung saan si President-Elect Rodrigo Duterte ang susunod na mamumuno ng bansa.
Ang resulta rin ng survey ay nagpapakita ng tiwala ng business sector sa eight-point economic agenda ni Duterte para sa bansa.
Malaki ang epekto kung mataas ang tiwala ng mga negosyante sa ekonomiya ng bansa.
Nangangahulugan ito ng business expansions, mas mabuting lagay ng ekonomiya para sa bansa, at mas maraming trabaho para sa mga mamamayan.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: 1st quarter ng 2016, business sector, ekonomiya ng bansa