MANILA, Philippines – Ngayong napakainit ng panahon, mas malaki ang posibilidad na mapanis ang ating mga pagkain. At dahil sa mahal rin ang mga bilihin ngayon, mas malaking gastos kung mapapanisan ka ng pagkain dahil kailangan mo na namang bumili o ‘di kaya’y magluto uli.
Narito ang ilan sa mga tips upang huwag madaling mapanis ang pagkain at the same time makamura o makapagtipid:
Una, mag-isip ng pagkain na tumatagal ng ilang araw gaya ng adobo, prito o paksiw.
Anumang hinahaluaan ng suka ay hindi madaling mapanis, kaya maganda itong lutuin ngayong mainit ang panahon.
Iwasan na rin ang paggamit ng kamatis dahil mas madaling mapanis ang ulam na hinaluan ng kamatis.
Sa paghahanda naman ng lulutuin, siguraduhing malinis ang gagamiting mga kasangkapan sa pagluluto at huwag kalimutang mag hugas ng kamay.
Lutuing mabuti ang pagkain at iwasan na ma-half cook ito, kapag naluto, palamigin kung hindi naman agad kakainin.
Tandaan na gumamit ng serving spoon, at malinis na mga sandok upang hindi agad mapanis ang pagkain.
Huwag agad ilalagay sa refrigirator ang bagong lutong pagkain dahil mag mo-moist ito at madaling mapapanis.
Kung ang inihandang pagkain ay patatagalin hanggang bukas, siguraduhing mailagay ito sa maayos na lalagyan.
Hindi na kailangang bumili ng mamahaling mga lalagyan, sigurado na kung hindi man lahat, karamihan sa mga nanay ay may koleksyon ng mga container ng ice cream, hugasan ito at tuyuing mabuti bago isalin ang nilutong ulam.
Para mas tumagal, ilagay sa refrigirator ang pinalamig na pagkain at initin na lamang kinabukasan kung kakainin.
Kung wala namang refrigirator, siguraduhin na mailagay ang pagkain sa malamig na lugar na hindi natatamaan ng sikat ng araw o init.
Mas makakatipid din kung gagawing baon ang natirang pagkain, samahan na rin siempre ng kanin.
Ngayong panahon na mainit ang panahon kasabay pa sa hirap ng buhay, walang ibang mabisang panlaban dito kundi ay ang masayang ngiti na likas na sa ating mga Pilipino.
(Mon Jocson | UNTV News)
Tags: Iwas panis, tag-init, Tipid na ulam