Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang dalawang sugatang motorcycle rider sa Quezon City kagabi

by Radyo La Verdad | January 4, 2018 (Thursday) | 6558

Pauwi na sana sa Balintawak sa Quezon City ang motorcycle rider na si Marjohn Pascua nang maaksidente sa northbound sa Edsa Centris alas onse kagabi.

Agad namang rumesponde ang team ng Untv News and Rescue sa lugar at nadatnan sa gilid ng kalsada ang biktima habang iniinda ang pananakit ng kaniyang balakang at gasgas sa siko at kanang braso nito.

Nilapatan ng pangunang lunas ng rescue team ang mga tinamong pinsala ng biktima. Matapos mabigyan ng first aid ay nagpasya na lamang ito na huwag nang magpadala sa hospital.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng MMDA Traffic Constable, binabagtas ni Marjohn ang Edsa ng biglang nag-menor ang sinusundan nitong van.

Samantala, mga sugat sa mukha at iba pang bahagi ng katawan ang tinamo ng dalawang sakay ng isang motorsiklo matapos maaksidente ang mga ito sa Commonwealth Avenue kaninang hatinggabi.

Ang angkas ng motorsiklo, nadatnan pa ng UNTV News and Rescue na nakahandusay sa gitna ng kalsada. Agad itong nilapatan ng paunang lunas ng grupo. Ang kasama nito na nagmamaneho ng motor na si Villamor Esguerra, tumanggi namang magpa-assist pa.

Ayon kay Gena Fuentes, BPSO ng barangay Commonwealth, mabilis ang takbo ng motorsiklo. Aminado rin umano ang mga biktima na nakainom sila ng alak.

Dagdag pa ni Fuentes, malimit talaga ang aksidente sa lugar lalo dahil madilim dito at factor din ang concrete motorcycle separators sa lugar.

Matapos naman lapatan ng pangunang lunas ang biktima ay dinala ng UNTV News and Rescue Team sa East Ave. Medical Center ang biktima.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,