Tindahang direktang magbebenta ng mga produkto ng mga magsasaka, plano ng DA na ilagay sa bawat barangay sa Metro Manila

by Radyo La Verdad | October 15, 2018 (Monday) | 6223

Makakaasa ang mga mamamayan na makabibili na ng mga mas mura at de kalidad na produkto ng mga magsasaka mula sa iba’t-ibang lalawigan sa bansa kapag nakapagbukas na ng Tienda Malasakit Stores sa kalakhang Maynila.

Ito ang inihayag ni Department of Agriculture Secretary Manny Piñol sa pagbubukas ng isang Tienda Malasakit Store sa Taguig City kahapon.

Ayon sa kalihim, una nang nakipagkasundo ang Taguig City Government na magtatayo ng Tienda Malasakit Store sa bawat barangay sa lungsod.

Dito direktang makapagbebenta ang ilang grupo ng mga magsasaka mula sa Tarlac ng mga de kalidad na bigas sa halagang P38 o P39 kada kilo.

Ngunit sa mga susunod na araw ay magdadagdag pa sila sa ng Tienda Malasakit Stores sa ibang lugar sa Metro Manila hanggang sa lahat ng barangay sa NCR ay mayroon na nito.

Ani Piñol, tutulungan ng kagawaran ang mga magsasaka upang masiguro ang tuloy-tuloy na supply ng mga produkto nito.

Gaya ng pagbibigay ng magandang binhi, pagpapautang sa mga magsasaka upang makapagpatanim, maging ang paglalaan ng mga equipment at rice processing complex.

Makatutulong din umano ito sa mga magsasaka upang masigurong maibebenta ang kanilang mga produkto sa mas malaking halaga.

Patuloy namang tinatangkilik ng mga mamamayan ang pamimili sa mga Tienda Malasakit Stores na nauna na ring binuksan sa Bureau of Plants and Industry sa Malate, Maynila noong nakaraang buwan.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,