Tinatayang P30-M halaga ng hinihinalang shabu aksidenteng nasabat ng PDEA sa Angeles City, Pampanga

by Radyo La Verdad | December 20, 2017 (Wednesday) | 4458

Nagsagawa kahapon ng re-enactment ang Philippine Drug Enforcemet Agency sa naging operasyon ng mga ito sa bahay sa Pampanga ng Chinese National na si Yiyi Chen. Si Chen ay isa umanong Chinese drug lord na naaresto noong nakaraang taon.

Ngunit habang ginagawa ang re-enactment ay napansin nila ang mga nalalaglag na powder mula sa kisame ng bahay. Nang kanilang siyasatin, natuklasan nila ang nakatagong nasa limang kilo ng high grade shabu. Tinatayang nagkakahalaga ito ng tatlumpung milyong piso.

Ayon kay PDEA Special Enforcement Service Director Levi Otis, kasalukuyang nakakulong si Chen sa Pampanga at pinag-aaralan pa nila kung magagamit ang mga nadiskubreng droga sa mga ebidensya laban sa kaniya.

Si Chen ay bahagi umano ng isang malaking sindikato at isa sa mga pangunahing distributor ng shabu sa Pilipinas, lalo na sa Metro Manila at Pampanga.

Nahulihan ito ng mahigit 30 kilo ng shabu sa isinagawang drug operation ng PDEA sa tahanan nito sa #6-7 brgy. Malabanias, Angeles City, Pampanga noong August 5, 2016.

 

( Abi Sta. Inez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,