Sa kabila ng mga batikos, matutuloy na sa ika-27 ng Nobyembre ang pagbubukas ng tinaguriang “Stairway to Heaven” footbridge na matatagpuan sa EDSA Scout Borromeo.
Noong ika-15 ng Nobyembre pa sana bubuksan ang kontrobersyal na footbridge subalit naantala dahil inayos muli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang disenyo nito.
Base sa napagkasunduan ng MMDA at mga structural engineer, dadagdagan ng landing at railings ang footrbidge. 13.5 meters ang taas ng footbridge, at hindi na ito maaaring babaan pa ayon sa MMDA.
Alinsunod anila ito sa requirement ng MRT-3 management upang maiiwas sa kawad ng kuryente ang mga tatawid sa footbridge.
Aaabot sa sampung milyong piso ang ginastos ng MMDA sa pagpapatayo ng naturang proyekto. Kung tutuusin 13 milyong piso sana ang orihinal na bidding price ng proyekto, kaya naman nakatipid pa anila ang MMDA.
Nagdesisyon ang MMDA na itayo ang foot bridge sa naturang lugar dahil batay sa kanilang pag-aaral, marami ang naaksidente sa lugar at madalas rin na may mangyaring krimen.
Muli namang nilinaw ng MMDA na opsyon lamang ng publiko ang naturang footbridge at hindi nila inoobliga ang pagtawid dito.
Anila, maari pa rin namang gamitin ang tawiran sa Quezon Avenue at Edsa Kamuning, partikular na ang mga senior citizen, mga buntis at persons with disability (PWD).
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: EDSA, MMDA, Stairway to Heaven footbridge