Tinaguriang MRT Heroes, ginawaran ng parangal ng Kabayan Partylist

by Radyo La Verdad | November 20, 2017 (Monday) | 3010

Maituturing na isang kabayanihan para sa Kabayan Partylist ang ginawang pagrescue ng 27-anyos na intern doctor na Charleanne Jandic sa babaeng naputulan ng braso matapos na mahulog sa platform ng MRT.

Kaya naman kahapon, ginawaran ng Kabayan Bayani Award ng grupo si Doctor Jandic upang kilalanin ang kaniyang kabutihan at talento upang mailigtas ang buhay ni Angelene Fernando, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagbigay ng ganitong uri ng parangal ang grupo.

Kwento ng doktora, hindi niya inaasahan ang mga papuri at pagkilala na kaniyang natatanggap ngayon. Si Doktor Jandic ay kasalukuyang nagta-trabaho sa Chinese General Hospital and Medical Center.

Plano niya na kumuha ng board exam sa susunod na taon at nais rin niya na magkaroon ng specialization sa orthopaedics o ang sangay ng surgery na may kinalaman sa musculoskeletal system.

Payo ni Doctor Jandic, importante na may kaalaman ang bawat isa sa first-aid treatment, upang makapagbigay ng agarang tulong ang sinoman sakaling mayroong mangailangan ng tulong.

Samantala, gagawaran din sana ng parangal ang pulis na si PO2 Danilo Agustin Jr. na agad ding rumesponde kay Angelene ngunit hindi ito dumating sa seremonya.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,