METRO MANILA – Hindi sapat para sa grupong Manibela ang suspensyong ipinataw kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III hinggil sa umano’y pagkakasangkot nito sa isyu ng korupsyon sa loob ng ahensya.
Kaya naman hindi pa rin magpapaawat at itutuloy pa rin ng grupo ang planong tigil-pasada na gagawin sa Lunes October 16.
Ibinunyag ng dating executive assistant ni Guadiz ang umano’y korupsyon sa loob ng LTFRB, kung saan sinasabing talamak umano ang suhulan kapalit ng special permit para sa mga PUV, aplikasyon ng prangkisa at iba pang transaksyon.
Bukod sa suspensyon kay Guadiz iginiit ng Presidente ng Manibela na si Mar Valbuena, dapat suspendihin ng pamahalaan ang implementasyon ng PUV modernization program.
Aniya dapat repasuhin ang mga regulasyon sa programa, at ibalik ang dating sistema kung saan may 5 taong valdity ang mga prangkisa ng mga indibidwal na operator, at hindi ng isang kooperatiba o korporasyon.
Bukod kay Guadiz nais ng grupo na masuspinde si Transportation Secretary Jaime Baustista, gayudin ang iba pang mga opisyal ng DOTr, at regional directors ng LTFRB.
Ito’y dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa laganap na ‘Ruta for Sale’ scheme sa ilalim ng PUV modernization program.
Sa pahayag na inilabas ng DOTr sinabi nito na iniimbestigahan na nila ang isyu, at pinagpapaliwanag si Guadiz hinggil sa mga akusasyon na nangyayari sa loob ng LTFRB.
(JP Nunez | UNTV News)