Tigil-pasada ng mga truck kontra modernization program at port congestion, isasagawa ngayong araw

by Radyo La Verdad | November 19, 2018 (Monday) | 5093

Halos isang linggong hindi papasada ang iba’t-ibang grupo ng mga trucker simula ngayong araw. Ito anila ay bilang pagtutol sa isinusulong ng Department of Transportation (DOTr) na modernization program.

Sa ilalim ng panukala, nais ng DOTr na mapalitan na ang mga lumang truck na may labinglimang taon na pataas.

Ayon kay Teodorico Gervacio na presidente ng Inland Haulers and Truckers Association, hindi makatwiran na ipagbawal ang mga lumang truck dahil magiging pahirap ito sa mga maliliit na grupo ng mga trucker.

Iginiit ng mga ito na hanggat pasado sa road worthiness ang kanilang mga truck gaano man ito kaluma, hindi ito dapat ipagbawal. Bukod sa panukalang phase out, ipinoprotesta rin ng mga ito ang anila’y lumalalang problema ng port congestion.

Sa naunang pahayag ni Gervacio, sinabi nito na apektado na ang kanilang kabuhayan dahil hindi na makapasok sa pier ang kanilang mga truck dahil sa mga nakatenggang empty containers.

Ganito rin ang inirereklamo ng vice president ng Aduana Business Club na si Abe Ribao. Umabot aniya ng dalawang araw sa pila ang mga truck bago makapasok sa Manila International Container Port.

Mula sa limang libong container vans na ibinababa ng barko, nasa 3,500 lamang anila ang nailalabas sa pier.

Hiling nila sa gobyerno, obligahin ang mga foreign shipping lines na magtayo ng sariling container yard sa labas ng Metro Manila.

Bukod dito, ipinapanawagan rin ng mga ito na ipatigil ng DOTr ang planong phase out sa mga lumang truck.

Banta ng mga ito, kung hindi masosolusyunan ang congestion at ipipilit ang phase out sa mga truck ay posibleng tumaas ang presyo ng mga imported product, kasunod ng gagawing truck holiday.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,