Tienda Malasakit Store, muling binuksan ng DA sa Maynila

by Radyo La Verdad | September 21, 2018 (Friday) | 5285

Dagsa ang mga mamimili sa Bureau of Plant Industry (BPI) compound sa Malate, Maynila matapos ang muling pagbubukas Tienda Malasakit Store kaninang alas siyete ng umaga.

Mabibili sa mga outlets ang mga gulay, prutas, isda, dressed chicken at maraming iba pa na mas mura ang presyo kumpara sa mga pamilihan.

Ang mga nasabing commodities ay galing pa mula Mindanao sa bayan ng Talakan, Bukidnon. Ito ay bilang pagpaparami ng suplay sa National Capital Region (NCR) matapos maapektuhan ang Northern Luzon at Central Luzon ng Super Thypoon Ompong.

Sagana sa gulay ang Talakag, pero pahirapan sa mga magsasaka kung paano ikalat sa pamilihan ang kanilang mga produktong agrikultura.

Ipinadala noong Miyerkules ang mga produkto sa pamamagitan ng C-130 Cargo Transport Aircraft at dalawang B-727 Cargo Planes ayon sa Department of Agriculture (DA).

Linggo-linggo nang magluluwas ng mga gulay mula sa Mindanao patungo ng Metro Manila para mabigyan ng murang halaga ng bilihin ang publiko.

Bukas sa araw ng Biyernes at Sabado, alas siyete ng umaga hanggang sa maubos ang kanilang tinda.

Batay sa presyuhan mula sa Bukidnon, 90 piso lang ang siling haba, ang patatas 75 piso kada kilo, carrots 95 piso kada kilo, repolyo 65 piso kada kilo, ang sayote 45 piso kada kilo, habang ang prutas tulad ng durian ay 100 piso kada kilo, pinya 35 piso, saging na saba 25.00 at mais 35 piso ang isang kilo. Mahigit limampung porsyento ang binaba nito kumpara sa mga palengke.

Target ng Department of Agriculture na palawakin pa ang malasakit food outlets sa iba’t-ibang barangay sa Metro Manila sa pakikipagugnayan sa mga lokal na pamahalaan.

Laking tuwa naman ng mga mamimili dahil nakakabili na sila ng murang gulay.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,