Tienda Malasakit Store, bubuksan na rin sa Department of Agriculture compound sa Quezon City

by Radyo La Verdad | September 28, 2018 (Friday) | 6161

Unti-unti nang dumadami ang mga mamimili sa pangalawang linggo ng Tienda Malasakit Store ng Department of Agriculture (DA) sa San Andres Street., Malate Multi Purpose Hall sa Maynila.

Maliban dito, isa pang tindahan ang binuksan din ng DA ngayong araw sa compound ng kagawaran sa Elliptical Road sa Quezon City.

Ang nasabing programa ay handog ng pamahalaan sa publiko na may murang bilihin ng mga pangunahing produkto gaya ng bigas, gulay, karne at prutas.

Noong nakaraang Biyernes ay dinagsa nga ito ng ating mga kababayan, bagay na ikinatuwa nila dahil mas makakatipid sila sa pamamalengke.

Hindi NFA rice kundi commercial rice ang pinilahan nila dito dahil 40 piso lang kada kilo kumpara sa palengke na nagkakahalaga sa 45- 50 piso ang isang kilo.

Bukod sa bigas, mura rin ang ibinebenta na asukal na 48 piso kada kilo. Hindi naman tataas sa 150 piso ang mga isda tulad ng tilapia at bangus.

Halos kalahati naman ang presyo ng mga gulay at mga prutas na umaabot lang sa isang daang piso.

Galing ang mga produkto direkta sa mga magsasaka sa Central Luzon, Visayas at Mindanao kay mas mababa ang presyo.

Maging ang mga tanim ni DA Secretary Manny Pinol ay ibinenta na rin sa Tienda Malasakit Store.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,