Thanksgiving celebration ni Presumptive President Rodrigo Duterte, idaraos sa Davao City sa June 4

by Radyo La Verdad | May 25, 2016 (Wednesday) | 840

MAYOR-DUTERTE
Tuloy na ang gagawing thanksgiving celebration ni Presumptive President-Elect Rodrigo Duterte sa ika-apat ng Hunyo.

Isasagawa ito sa Crocodile park sa Davao City na may kapasidad na aabot sa dalawandaan at limampung libo.

Ayon kay City Transport and Traffic Management Office Department Head Rhodelio Poliquit, inaasahang marami ang dadalo sa selebrasyon kaya ngayon pa lang ay binalaan na nila ang mga motorista sa mararanasang mabigat na traffic.

Partikular na magkakaroon ng bottleneck at traffic gridlock sa may C-P Garcia, diversion road kaya dapat na itong iwasan ng mga motorista.

Magpapakalat rin sila ng 150 tauhan, limang mobile at dalawang towing cars.

Samantala, sa hanay naman ng seguridad, sinabi ni Task Force Davao Commander Colonel Casiano Monilla na mas hihigpitan nila ang seguridad sa lungsod sa darating na June 4.

Maging ang Davao City Police ay naghahanda na rin ng mga ipatutupad na security measures lalo’t hindi lamang mga dabawenyo at ordinaryong mamamayan ang inaasahang pupunta sa victory party.

Mas magiging strikto rin ang ipatutupad nilang inspection sa mga papasok sa loob ng venue.

Paalala rin nila sa mga dadalo na huwag magdadala ng mga nakalalasing na inumin at huwag maninigarilyo dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa lungsod.

(Janice Ingente / UNTV Correspondent)

Tags: