TF Bangon Marawi, kampanteng sasapat ang pondo para sa rehabilitasyon ng Marawi kahit walang tulong ng EU

by Radyo La Verdad | October 24, 2017 (Tuesday) | 2930

Nanindigan ang Office of the Civil Defense na susunod ito sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag munang tumanggap ng tulong mula sa European Union kahit pa para sa rehabilitasyon ng Marawi City.

Ayon kay Office of the Civil Defense Deputy Administrator Assistant Secretary Kristoffer Purisima, wala naman itong magiging epekto sa mga hakbang ng pamahalaan para muling itayo ang syudad.

Sa katunayan aniya ay ilan sa mga bansang nakapagkaloob na ng tulong ay ang Thailand, India at China habang nagbibigay din ng ayuda ang World Bank at ASIAN Development Bank.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na hindi ito tatanggap ng grants mula sa EU dahil sa umano’y panghihimasok nito at pakikielam sa sovereignty ng bansa at pagpuna sa anti-drug war ng pamahalaan.

Samantala, agad nang uumpisahan ng Task Force Bangon Marawi ang pagtukoy sa lawak ng pinsala ng giyera sa siyudad oras na matapos ang clearing operations ng militar kasunod ng formal termination ng combat operations doon.

Posibleng magtagal ang assessment ng dalawang linggo hanggang isang buwan.

Magpapatuloy naman relief operations ng pamahalaan para sa 72 libong pamilyang apektado ng krisis sa Marawi hanggang sa kinakailangan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,