Testing sa MRT prototype train, target kumpletuhin ng DOTC hanggang Nobyembre

by Radyo La Verdad | September 7, 2015 (Monday) | 3486

MRT
Nailipat na sa MRT-3 depot ang MRT prototype train na binili ng Pilipinas mula sa China.

Sa kasalukuyan ay kinukumpleto pa ng mga Chinese Engineer ang pagbuo sa prototype train.

Kapag natapos na ang pag-aassemble sa MRT prototype train kailangan pa ito isailalim sa pausing pagsubok tulad na lamang sa pagsi-synchronize nito sa signalling at communication system ng MRT-3 na ginagamit dito sa Pilipinas.

Bukod pa rito, kinakailangan rin na sumailalim ang prototype train sa static test kung saan titingnan kung maayos na gumagana ang mga pintuan, air conditioning at iba pang pasilidad nito.

Matapos ang static test, isasailalim rin ang sample train sa dynamic testing kung saan susubukan naman itong patakbuhin.

Target ng Department of Transportation and Communications na makumpleto ang lahat ng testing sa MRT prototype train hanggang sa Nobyembre.

Kaugnay nito, nakatakda ring makipagpulong ang DOTC sa VOIT, isang German Company na siya namang in-charge sa makina ng MRT prototype train kung papaano mapapabilis ang mga test at maging ang pagdedeliver ng mga bagong bagon ng MRT.

Kapag nakapasa sa mga isasagawang testing, uumpisahan na ang pagdedeliver ng mga bagong bagon sa Pilipinas na gawang China.

48 bagon ang inorder ng pamahalaan na nagkakahalaga ng mahigit sa 4 billion peso.

Mula sa mahigit limang daang libong pasahero tuwing peak hours sa ngayon, inaasahang aabot pa sa mahigit pitong daang libong pasahero ang maisasakay kapag fully operational na ang lahat ng mga bagong tren. (Joan Nano / UNTV News )

Tags: