Testing kits at medical supplies mula China, dumating na sa Pilipinas

by Radyo La Verdad | March 22, 2020 (Sunday) | 28369

Nakarating sa Department of Health (DOH) ang mga ulat ukol sa problema sa kakulangan ng personal protective equipment (PPE) sa mga ospital.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario S. Vergeire, inaayos na ng kagawaran ang sistema ng pagtanggap ng mga donasyong PPE mula sa iba’t ibang bansa at institusyon.

Tiniyak din ni Usec. Vergeire na tutugunan ng DOH ang suliraning ito sa abot ng kanilang makakaya.

“Iaanunsyo ng DOH sa publiko kung paano makakahingi ang mga healthcare workers natin ng PPE’s, at kung paano ito makakarating sa kanila. Asahan po ninyo na hindi namin kayo pababayaan,” ani DOH Usec. Vergeire na siya ring tagapagsalita ng DOH.

Kabilang sa donasyon mula sa China ang 100,000 test kits, 100,000 surgical masks, 10,000 n95 masks, at 10,000 set ng PPE.

Umaasa si China Ambassador to the Philippines Ambassador Huang Xilian na makatutulong ang medical supplies na ito upang malagpasan at mapagwagian din ng Pilipinas ang laban kontra COVID-19.

Nagpasalamat si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. sa tulong na ipinagkaloob ng China sa bansa.

“This is a tremendous help of China. It is a model for what the rest of the world should be doing. Instead of blaming each other for what’s happening, they should all start working together to help each other. And this is concrete proof,” ayon kay Sec. Locsin.

Tiniyak ng DOH na paiigtingin pa nila ang kanilang COVID-19 testing capacity kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa nakamamatay na sakit sa bansa.

Tags: ,