Testimonya ni Ret. SPO3 Lascañas, hindi kapani-paniwala – Atty. Panelo

by Radyo La Verdad | February 21, 2017 (Tuesday) | 1723


Imposible na gawin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga alegasyon ng self-confessed hitman na si retired SPO3 Arthur Lascañas na personal siya umanong inutusan nito upang gawin ang ilang partikular na krimen noong alkalde pa ito sa Davao City.

Ito ang sinabi ng Chief Presidential Legal Counsel at matagal nang kaibigan ng pangulo na si Sec. Salvador Panelo.

Ayon sa kalihim, hindi katiwa-tiwala ang public confession ni Lascañas.

Giit din ng abogado, dati nang mga alegasyon ang ipinupukol kay Pangulong Duterte hinggil sa extra-judicial killings.

Binaligtad ni Lascañas ang lahat niyang unang sinabi sa Senado noong nakalipas na taon at sinabing tumanggap siya umano ng allowance mula sa Office of the Mayor na umabot aniya sa isang daang libong piso, kapalit ng pagpatay ng mga target, sa utos ni nooy Mayor Rodrigo Duterte.

Pinangalanan rin niya ang mga kasama niya noon sa Davao Death Squad.

Dahil sa pabago-bagong pahayag nito, maaaring kasuhan ng pamahalaan si Lascañas ayon kay Atty. Panelo.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,