Marami nang nagtangka na baguhin ang Saligang Batas. Isinulong na ang charter change noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, Joseph Ejercito Estrada at maging sa panahon ng administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo.
Lahat ng mga kritiko ng naturang isinulong na pagpapalit ng konstitusyon ay binatikos ang umano’y posibleng pagpapalawig sa termino ng mga nakaupong pangulo.
Pero ayon kay dating Supreme Court chief justice at ngayo’y pinuno ng consultative committee na si Reynato Puno, hindi kasama sa plano ang pagpapalawig sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, wala rin umanong interes ang pangulo na ma-extend ang kaniyang panunungkulan.
Kung walang term extension ang pangulo ay gayundin sa pangalawang pangulo at lahat ng mga opisyal na matatapos ang termino sa 2022.
Kasama na dito ang mga tatakbo sa 2019 midterm elections. Ito ay bahagi ng transition period sa paglipat sa pederalismo.
Sa mga susunod na linggo ay target na maisumite ang draft ng panukalang bagong Saligang Batas kay Pangulong Duterte.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: Charter Change, Pang. Duterte, pederalismo