Termino na extra judicial killing, propaganda lamang ng nakaraang administrasyon – PNP Chief Dela Rosa

by Radyo La Verdad | October 10, 2017 (Tuesday) | 3650

Pito sa bawat sampung Pilipino ang nangangamba na maaring mabiktima ng extra judicial killings ang sinuman na kanilang kakilala, ito ang lumabas sa latest Social Weather Stations survey noong nakaraang linggo.

Pero paglilinaw ng pambansang pulisya, walang extra judicial killings sa ilalim ng Duterte administration.

Ayon kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, binago ng mga kritiko ng Pangulo ang depenisyon ng extra judicial killings upang siraan ang kampanya kontra iligal na droga.

Kailanman ay hindi aniya nagkaroon ng mga pagpatay na state sponsored o ipinag-utos ng pamahalaan.

Bwelta ni Dela Rosa, isa lamang itong malinaw na propaganda. Bukas aniya ang PNP sa pagbibigay ng ebidensya at impormasyon sa media at sa maging sa mga nais malaman ang kanilang mga police reports na magpapakita na walang EJK sa bansa.

Sa katunayan, may direktiba na rin ang PNP Internal Affairs Service o IAS na magsagawa ng special inspection sa mga kaso ng homicide kasama na dito ang pag a-audit ng performance ng mga pulis at kung mayroon man umano silang kabaro na umaabuso sa tungkulin ay tinitiyak nilang papanagutin ito sa batas.

Batay sa updated record ng PNP, umaabot na sa 3,906 ang napapatay sa anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan simula noong July 1, 2016 hanggang September 26 ngayong taon,

Habang nasa 1.3 million naman ang sumuko na mga gumamit at nagbebenta ng iligal na droga.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,