Terminal ng bus sa Mabalacat, Pampanga, nilagyan ng dagdag na cctv cameras upang mabantayan ang kaligtasan ng mga pasahero

by Radyo La Verdad | October 29, 2015 (Thursday) | 2296

MABALACAT
Naghahanda na ang pamunuan ng Mabalacat bus terminal sa Pampanga sa pagdagsa ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang mga probinsya ngayong weekend.

Ayon kay Gerry Lopez, ang Chief Marshal ng Public Safety and Quality Control Department ng terminal, nagpalagay na sila ng dalawampung closed circuit television o cctv camera sa bawat sulok ng terminal.

Ito ay upang mabantayan ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero laban sa mga masasamang loob na posibleng magsamantala sa sitwasyon.

Mula naman sa regular na sampung marshals na nag-iikot sa buong terminal ay gagawin itong dalawampu upang mas mabantayan ang mga pasahero.

Ang Mabalacat bus terminal ang stopover ng mga bumibiyahe papuntang Maynila at mga lalawigan sa Northern Luzon.

At kapag ganitong panahon ay mahigit sa isang libong bus ang dumadaan sa terminal upang magbaba at magsakay ng mga pasahero.

Sa ngayon ay nananatili pang normal ang bilang ng mga pasahero ngunit madaling araw ng byernes hanggang hapon ay inaasahan na nila ang pagdami ng mga bibiyahe, lalo na ang mga may pasok pa sa trabaho.

Muli namang nagpaalala ang pamunuan ng terminal sa mga pasahero na maging alerto at ingatan ang kanilang mga gamit upang huwag mabiktima ng mga magnanakaw.

Kung maaari din ay huwag nang magsama ng mga maliliit na bata sa biyahe upang maiwasan ang aberya. ( Joshua Antonio / UNTV News )

Tags: