Terminal Appointment Booking System, itutuloy ng bagong pamunuan ng Philippine Ports Authority sa kabila ng pagtutol ng mga trucker at broker

by Radyo La Verdad | July 13, 2016 (Wednesday) | 3357

MON_PORT
Wala nang nagawa ang mga trucker at broker kundi sumunod sa Terminal Appointment Booking System o TABS kahit pa tutol sila rito.

Sa TABS nakaschedule ang pagpasok at paglabas ng mga kargamento sa loob ng Manila Port Area.

Ayon sa mga broker at trucker, lalong naantala ang kanilang mga delivery dahil sa hindi maayos na TABS.

Karamihan sa mga kargamento sa port area ay ilang araw na umanong nakabinbin sa mga bodega.

Kung dati ay nakakawalong ikot sila sa loob ng pantalan, ngayon ay umaabot na lamang ito ng tatlo.

Mas lumaki rin anila ang import cost kabilang na ang storage fee at mga penalty.

Kung dati ay nakakapagbook sila sa pag import ng delivery sa loob ng isang araw, ngayon ay inaabot na ito ng tatlong araw.

Ayon sa mga trucker kung tatagal pa ang ganitong sistema ay posibleng pagmulan pa ito ng port congestion.

Subalit nanindigan ang bagong pamunuan ng PPA na tuloy ang TABS dahil epektibo ito upang maresolba ang port congestion.

Samantala, patuloy naman na nakikipagusap ang pamunuan ng PPA sa transportation department upang matulungan sila na mapaluwag ang trapiko sa mga kalye na dinadaanan ng mga delivery truck.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,