Temporary travel ban sa South Korea, hindi pa lubusang ipinatutupad ng Bureau of Immigration

by Erika Endraca | February 28, 2020 (Friday) | 8486

METRO MANILA – Hindi pa rin ma-kontrol ng Bureau of Immigration (B.I.) ang pagpasok ng mga biyaherong galing sa South Korea.

Kahit nagbaba na ng travel ban ang pamahalaan na bawal munang pumasok sa Pilipinas ang mga turistang galing sa Daegu at North Gyeonsang Province kung saan may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa South Korea.

Sa datos ng Manila International Airport Authority (MIAA) may 10 arrival at 10 departure flights ang natuloy pa rin Kahapon (Feb.28).

Ayon sa BI, hindi pa nila maipatupad ang travel ban dahil hinihintay pa nila ang kopya ng resolusyon mula sa Inter-Agency Task Force para sa detalyadong proseso sa pagpapatupad ng travel ban sa South Korea.

“Kasi wala pong indication sa kanilang passport if they are coming from those areas..yung Inter-Agency Task Force makikipagcoordinate dun sa Korean authorities para makapag issue sila ng certification to distinguish kung yung passenger po ba o yung foreign national na dumadating galing sa Korea ay galing sa mga areas of concern na yun” ani Bureau of Immigration Spokesperson Dana Sandoval.

Hangga’t wala pang malinaw na guidelines tungkol sa travel ban tuloy pa rin ang ilang flight ng ilang airline companies.

“Sa ngayon patuloy po ang ating flights to South Korea ..so once na maplantsa na po natin ang lahat ng ito maglalabas po tayo agad ng travel advisory listing down any possible flight na pwedeng ma cancel dahil sa travel ban na ito” ani Air Asia Spokesperson David De Castro.

Samantala, pansamantalang itinigil ng Cebu Pacific ang kanilang online-check in service sa lahat ng international flights.

Sa kanilang official twitter account sinabi ng Cebu Pacific na layon na hakbang na personal nilang masuri ang travel history ng isang pasahero bilang pag-iingat hinggil sa COVID-19.

Nauna na ring sinuspinde ng Philippine Airlines ang kanilang self-printed o digital boarding passes sa lahat ng domestic at international flights na bahagi pa rin ng kampanya laban sa Corona Virus Disease.

Sa ngayon tanging ang pagbiyahe pa lamang ng mga Pilipinong turista papuntang South Korea ang mahigpit na pinagbabawalan ng immigration sa Ninoy Aquino International Airport at iba pang paliparan.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,