Temperatura sa tag-araw, posibleng humigit sa 41’C

by Radyo La Verdad | January 6, 2016 (Wednesday) | 3224

rey_el-nino
Itinuturing ng pagasa ang taong 2015 na isa sa mga taong may pinakamainit na temperatura.

Pangapat ito sa record ng ahensya at ang pinakamainit ay noong 2013, sumunod noong 1998 at pangatlo noong 2012.

Ngayong taon naman ay matinding init din ang posibleng danasin ng ilang lugar sa bansa lalo na sa tag-araw dahil sasabayan ito ng epekto ng El Niño.

Ayon sa PAGASA, sa Abril ay posibleng umabot sa 41.5’c ang temperatura sa mga mabababang lugar sa luzon gaya ng tuguegarao.

Posibleng ding tumagal pa ang pag-iral ng El Niño hanggang sa Hulyo kaya’t ang tag-araw na mabibilang ang araw na may ulan ay lalo pang magiging dry.

Sa pagtaya ng PAGASA, 85% ng bansa o 68 lalawigan ang makararanas ng drought o malaking kabawasan sa ulan.

Hindi rin iniaalis ang posibilidad na lumampas pa sa kalagitnaan ng taon ang epekto ng El Niño sa bansa kaya’t kahit halos puno na ang Angat dam ng tubig ay dapat paring magtipid.

Ilan sa nakitang epekto ng El Niño sa bansa noong nakaraang taon ay ang pagka-antala ng paguumpisa ng tag-ulan, mahinang pagiral ng habagat at amihan at ang madalang na pag- ulan.

Kapansin-pansin din ang kakaunting bagyong pumasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR na umabot lamang sa 15 kumpara sa 19-20 na nararanasan sa normal na tag-ulan.

Hanggang sa Hunyo naman ngayong taon ay tinatayang nasa 2-6 na bagyo ang pumasok sa PAR.

Paglilinaw naman ng PAGASA, iba ang meteorological drough at agricultural drought.

May mga lugar na hindi inuulan subalit pwede pa ring makapagtanim.

Ipagpapatuloy naman ng pamahalaan ang cloud seeding operation subalit mas itutuon muna ito sa ngayon sa Visayas at Mindanao dahil maraming ulan ang naranasan sa Luzon dahil sa bagyong Nona.

Ang cloud seeding ay bahagi ng programa ng task force El Niño na pinondohan ng P79M.

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

Tags: , ,