Technical working group ng Kuwaiti government, darating sa bansa ngayong araw

by Radyo La Verdad | February 28, 2018 (Wednesday) | 1688

Kinumpirma ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa programang Get it Straight with Daniel Razon na darating ngayong araw sa bansa ang technical working group ng Kuwaiti government.

Makikipagpulong ang mga ito sa mga opisyal ng pamahalaan kaugnay ng binabalangkas na bilateral agreement na magbibigay proteksyon sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait.

Kumpyansa naman ang kalihim na malalagdaan ang kasunduan sa susunod na buwan.

Nagpapasalamat naman si Bello sa ipinakikitang pagsisikap ng Kuwaiti government na mabigyan ng hustisya ang sinapit ni Joanna Demafelis, ang OFW na pinatay at inilagay sa isang freezer sa Kuwait.

Hawak na ng mga otoridad ang employer ni Joanna na itinuturing na principal suspect sa krimen.

Pero ayon kay Bello, mananatili pa rin ang ipinatutupad na deployment ban ng OFW sa Kuwait hangga’t hindi nalalagdaan ang isang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait na magbibigay proteksyon sa mga Pilipinong manggagawa sa naturang Gulf state.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,