Technical issue, itinuturong dahilan ng maling abisong natanggap ng mga netizen Kahapon (Dec. 25) sa Metro Manila hinggil sa bagyong Ursula

by Erika Endraca | December 26, 2019 (Thursday) | 8834

METRO MANILA – Habang unti-unting naramdaman ang epekto ng Bagyong Ursula sa ilang lugar sa Visayas at ilang bahagi ng Luzon noong Martes (Dec. 24) nakatanggap ng text message ang mga residente sa Metro Manila mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng abiso hinggil sa Bagyong Ursula.

Ngunit ang laman ng abiso, “nasa tropical cyclone wind signal number 2 na umano ang inyong lugar.” Marami ang nalito dahil taliwas ito sa inilabas na ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronimical Services Administration (PAGASA), kung saan nasa ilalim lamang ng tropical cyclone wind signal number 1 ang Metro Manila. 2 beses din nakatanggap ng ganitong mensahe ang mga residente noong Martes (Dec. 24).

Ayon sa NDRRMC nagkaroon ng technical issue sa distribution system ng telecommunications companies na nag resulta ng malakip ang mga nasa Metro Manila na makatanggap ng mensahe.

“So for example po kahapon dapat ang makatanggap lang po ay areas under signal number 2 dahil po dun technical issue na naencounter na yun pati areas na signal number 1 ay nakatanggap din ng messages.” ani NDRRMC Spokesperson Mark Timbal.

Maaari umanong naapektuhan ng bagyo ang mga signal towers na nagpapadala ng mga naturang advisory o mensahe sa mga cellphone users.

“Ang pinagbabatayan ho kasi niyan yun mga signal towers. Siguro ho hindi naging available yung mga signal towers dun sa particular area kaya yung nangyari po niyan ay nag alternative signal towers kaya yung signal towers na nakakasakop din sa manila, nakatanggap din ng message.”ani NDRRMC Spokesperson Mark Timbal.

Ang NDRRMC ang gumagawa ng naturang advisory sa bawat lugar ngunit ang mga telecommunications companies naman ang may responsibilidad para maipadala ito sa mga kinauukulan. Sa ilalim ng batas, libre ang naturang serbisyo at bahagi ng responsibilidad ng mga telco. Tiniyak naman ng NDRRMC na mayroon na silang close coordination sa mga telco upang hindi na maulit ang naturang pangyayari.

(Vincent Arboleda | UNTV News)

Tags: