Team Sara, babaguhin ang campaign strategy simula sa Abril

by Radyo La Verdad | March 26, 2022 (Saturday) | 1052

Nais ni vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte na mapalawak at mas marami pang lugar ang maabot ng pangangampanya ng  kanilang alyansa simula sa susunod na buwan.

Ang buwan ng Abril ang huling buwan ng mga kandidato para sa national position na makapagsagawa ng campaign sortie bago ang May 9, 2022 elections.

“Sa side po ng team namin mayroon pong desisyon na mag change po ng strategy ng pangangampanya pagdating po ng April. Ito po ‘yong third phase ng aming pangangampanya, it will be equal parts online campaigning and face-to-face campaigning,” pahayag ni Mayor Sara Duterte-Carpio, vice presidential candidate.

Nauna nang ipinaliwanag ng BBM-SARA tandem na layon ng magkahiwalay nilang pangangampanya na mapabilis at mas marami pang mga lugar ang kanilang mapuntahan para manawagan ng suporta mula sa ating mga kababayan.

Samantala sinabi naman ni Mayor Inday Sara na hindi pa sila nagkakausap ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa kung sino ang susuportahan ng kanyang ama sa presidential elections.

Nitong Huwebes (March 24), nangampanya  sa Sta. Cruz, Laguna si Mayor Inday Sara, upang hingin ang suporta ng mga botante  para sa UNITEAM.

At kasabay ng kanyang pagbista inianunsyo naman ni Laguna Provincial Govenor Ramil Hernandez na suportado aniya ng buong Laguna ang kandidatura ni Mayor Sara sa pagkabise-presidente.

“Nagpapasalamat po ako sa probinsya ng Laguna sa kanila pong pag-declare of me as an adopted daughter of Province of Laguna and it is an honor to be adopted,” ayon kay Mayor Sara Duterte-Carpio.

Janice Ingente | UNTV News

Tags: ,