Hindi lusot sa kaso ang team leader ni SPO3 Ricky Sta. Isabel na si PSupt. Raphael Dumlao kahit sinasabi nitong nasa China siya nang dukutin ang negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo sa Angeles, Pampanga noong Oktubre 2016.
Ayon kay AIDG Director PSSupt. Albert Ferro, bukod sa impormasyong si Dumlao ang nagrekomenda sa AIDG, siya rin umano ang nag-utos kay Sta. Isabel na magtungo sa Angeles upang maghanap ng uupahang bahay na gagawing safehouse ng mga tauhan ng AIDG kapag may operasyon.
Kailangan din aniyang imbestigahan ang lumalabas na balita na si Dumlao din ang nag-utos sa dalawa pang tauhan ng AIDG upang tulungan si Sta. Isabel sa isinasagawang operasyon sa Angeles.
Kaya naman sa kasalukuyan ay nakarestrictive custody na rin aniya sa AIDG si Dumlao para sa isinasagawa nilang imbestigasyon.
Kinumpirma din ni Ferro na nagbigay na ng affidavit sa anti-kidnapping group ang dalawang pulis na sina SPO4 Roy Villegas at PO2 Christopher Baldomino na nadawit din sa kaso kasama ni Sta. Isabel.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Ferro na buo ang kooperasyon nila sa imbestigasyon ng anti-kidnapping group at National Bureau of Investigation upang malinawan at malutas ang kaso ng pagdukot at pagpatay kay Joo.
Base sa mga imbestigasyon, sinabi ni AIDG Director PSSupt. Albert Ferro na nagamit ang AIDG sa modus operandi ni SPO3 Ricky Sta. Isabel at ng iba pa nitong kasabwat.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)
Tags: hindi ligtas sa kaso, PNP-AIDG, Team leader ni SPO3 Ricky Sta. Isabel