Taxi drivers at operators sa buong bansa nagkaisa para tutulan ang P10 bawas sa flag down rate ng taxi

by Radyo La Verdad | March 11, 2016 (Friday) | 1595

TAXI
Nagkaisa ang mga taxi driver at operators sa buong bansa upang tutulan ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na bawasan ng P10 ang flag down rate sa taxi.

Sa dating P40 magiging P30 na lang ang flagdown rate ng taxi.

Ayon kay PNTOA President Bong Suntai mas mababa pa ang rate ng pasahe sa taxi ngayong taon kumpara noong 2004 dahil sa ipinatupad na bawas ng LTFRB.

Sa ipinakitang pagaaral ng mga operators, noong 2004 ay P8.33 ang bayad sa bawat isang kilometro ng taxi subalit dahil sa bagong fare rate na inilbas ng LTFRB ay P7 lang ang bayad sa bawat isang kilometro.

Sa bagong fare rate, ang P3.50 na patak ng metro kada succeding 300 meters tumaas sa 500 meters kung kaya’t sa kabuohan, sa 30 pasahero ng driver sa isang araw ay nasa P1300 anya ang mawawala sa kita ng driver.

Hinala ng mga operator, nagpapabango sa publiko ang LTFRB dahil malapit na ang eleksyon

Sinabi naman ni Dumper President Fermin Oktubre, hindi sila masaya sa desisyon ng LTFRB dahil mawawalan sila ng kabuhayan kapag ipinagpatuloy ang malaking bawas pasahe lalo pa’t hindi naman anya bumababa ang presyo ng mga bilihin.

(Macky Libradilla / UNTV Radio Correspondent)

Tags: , ,