January 27, 2017 nang mag-viral sa social media ang post ng isang Ralph Lopez.
Inirereklamo nito ang nakatalo niyang driver ng Bernadelle taxi na umano’y naningil sa kanya ng three hundred pesos kada kilometro mula nang sumakay siya sa Ninoy Aquino International Airport.
Sinubukan pa umano ng biktima na humingi ng tulong subalit hindi umano niya mabuksan ang mga pintuan at bintana ng taxi.
Para makalabas ng taxi, nagdahilan umano ang biktima na magwi-withdraw ng pera sa isang atm sa Makati para pambayad sa taxi ngunit agad umano siyang tumakas nang makahanap ng tiyempo.
Ilang araw matapos na idulog sa mga otoridad ang reklamo ng biktima, agad naaresto ang suspek na kinilalang si Victorino Duldulao, 36 anyos.
Naaresto siya kahapon ng airport police habang naka-standby sa NAIA Terminal 3 dahil sa reklamong resistance and disobedience to lawful order concealing true name and direct assult upon agent of a person in authority.
Napagalaman rin na iligal ang ginagamit nitong prangkisa at gumagamit ng kambal plaka.
Inamin naman ng suspek na isang taon na niyang ginagawa ang modus operandi para mambiktima ng mga pasahero sa NAIA.
Kaugnay nito, isang special task force ang bubuoin ng Manila International Airport Authority kontra sa mga abusadong driver ng mga pampublikong sasakyan na bumibiyahe sa NAIA.
Muli namang nagbabala ang MIAA at LTFRB na papananagutin nila ang mga driver na nagsasamantala sa mga pasahero.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)
Tags: inaresto, Taxi driver na naniningil umano ng sobra sa mga pasahero sa NAIA