Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN Bill, pasado na sa Senado

by Radyo La Verdad | November 29, 2017 (Wednesday) | 2345

Sa botong 17-1, inaprubahan na kahapon ng Senado ang bersyon nito na Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN Bill.

Ilan sa mahahalagang nilalaman ng bersyon na ito ng Senado ay ang pagtataas sa exemptions sa income tax sa 250 thousand pesos, nangangahulugan na kapag lumagpas na dito ay magsisimula na ang pataw na buwis na 20 percent. Halimbawa sa isang guro na sumusweldo ng 20, 179 kada buwan ay hindi na pagbabayarin ng income tax.

Sa isang call center agent naman na may kita na 30, 168 pesos, dahil sa pinababang 20 percent rate, makakatipid na sila ng halos 37 thousand pesos kada taon.

Sa pataw naman na excise tax sa mga produktong petrolyo, hindi makakasama ang kerosene.  Tatlong piso naman ang pataw na buwis sa LPG na hahatiin sa tatlong taon, gayundin sa diesel na 6 pesos kada litro. Mas mababa sa bersyon na ito ang sweetened beverages tax rate kumpara sa House version.

Hindi kasama sa mapapatawan ng buwis ang lahat ng gatas, kape maging ang 3 in one at natural fruits at vegetable juices.

Samantala, sa pagkakalooban ng value added tax exemptions, kabilang ang mga maliliit na negosyo na kumikita ng hindi hihigit ng tatlong milyon piso kada taon, raw food, agricultural products, health  and education, senior citizens, persons with disability, cooperatives at BPO’s. Ang pagbili ng mga gamot na inaasahan na malaking tulong sa mga mahihirap na pamilya.

Ginawang simple naman ang probisyon sa automobile tax, 10 percent excise tax ang pataw sa mga sasakyang ang presyo ay hanggang isang milyong piso, samantalang 20 percent naman ang higit sa isang milyong piso.

Para sa ibang probisyon ng panukala, 10 percent excise tax ang pataw sa mga cosmetic procedures at body enhancement maliban kung ito ay para sa medical purposes.

Dahil sa ilang magkaibang probisyon sa bersyon ng Senado at Kamara, inaasahan ng ilang senador na mas magiging mahigpit ang deliberasyon pagdating nito sa Bicameral Conference Committee.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,