Ang pagiging mahusay sa wikang ingles, mataas na GDP growth at malaking populasyon ay ilan lamang sa mga rason kung bakit nagiging mas kaakit-akit ang Pilipinas para sa mga mamumuhunan ayon sa Philippine Economic Zone Authority o PEZA.
Dagdag pa ng PEZA, ang mga insentibo sa pagbubuwis para sa mga dayuhan tulad na lamang ng corporate tax exemption sa loob ng 4-8 taon at zero value added tax ang ilan sa mga dahilan kaya’t mas nais ng ilang negosyante na dito mamuhunan sa bansa.
Kung dati ay diskwento lamang sa buwis, ngayon ay iniisyuhan na ng special visa ang pamilya ng mga dayuhang negosyante. Dagdag pa dito ang pakikipag-ugnayan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang mga bansa na hindi karaniwang binibisita ng dating mga pinuno ng Pilipinas.
Kaya’t hindi na rin kataka-taka kung bakit napili ang bansa bilang top business destination para sa taong 2018.
Tinalo ng Pilipinas ang mga bansang Indonesia, Poland, Malaysia, Singapore at iba pa.
Isa sa mga rason ng nasabing business website ay ang GDP growth ng bansa na umabot sa 6.9% noong nakaraang taon at populasyong lumampas na sa 100 milyon.
Sa katunayan, mula taong 1995 hanggang 2017, higit pitumpung porsyento ng mga investment sa bansa ang galing sa mga dayuhan.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: PEZA, Pilipinas, tax incentives