Tax evasion cases ni dating Chief Justice Renato Corona, dinismiss na ng Court of Tax Appeals

by Radyo La Verdad | May 17, 2016 (Tuesday) | 1384

ATTY-MARK-ESTEPA
Ipinagutos na ng Court of Tax Appeals ang dismissal sa mga kaso ni dating Chief Justice Renato Corona.

Mga kaso ng tax evasion at non filing ng income tax return ang dinismiss ng korte matapos maghain ang kampo ni Corona ng manifestation kasunod ng pagkamatay ng dating chief justice noong April 29 dahil sa cardiac arrest.

Nag-ugat ang kaso sa umano’y hindi pagusumite ni Corona ng income tax return mula 2003 hanggang 2010.

Milyun milyong piso rin umano ang halaga ng buwis ang hindi binayaran ni Corona.

Ngunit ayon sa abogado ng dating chief justice, namatay si Corona na inosente sa mga paratang laban sa kaniya at sumangayon naman ang state prosecutors dito.

Ayon kay Prosecutor Mark Estepa, hindi na rin sila tumutol sa motion to dismiss na inihain ng kampo ni Corona dahil napapaloob naman sa article 89 ng revised penal code na isang valid ground for case dismissal ang pagkamatay ng akusado.

Pinapaubuya na nila sa Bureau of Internal Revenue o BIR kung sisingilin pa rin ang di nabayarang buwis sa mga natirang kaanak ni Corona.

Maliban sa tax evasion cases, may civil forfeiture case rin si Corona sa Sandiganbayan kung saan kapwa akusado nito ang asawang si Christina Corona.

Mahigit 130 million pesos na umano’y iligal na yaman ang pinipilit ma-garnish ng korte mula sa magasawa.

Bagaman maaaring madismiss na rin ang kaso laban kay dating chief justice sa Sandiganbayan, mananatiling akusado si Christina Corona sa civil forfeiture case.

(Joyce Balancio/UNTV NEWS)

Tags: , ,