Tax evasion case, planong isampa ng BOC vs. may-ari ng P2-B halaga ng nasabat na mga pekeng sigarilyo at tax stamps sa Pampanga

by Radyo La Verdad | March 2, 2017 (Thursday) | 1530


Inaalam na ngayon ng Bureau of Customs ang mga pangalan ng mga sangkot sa smuggling ng mga sigarilyo na may pekeng BIR tax stamps na natagpuan sa sinalakay na limang warehouse sa San Simon Industrial Park sa Pampanga kahapon.

Ayon sa BOC, kasong tax evasion ang maaaring kaharapin ng kumpanya dahil sa pagpuslit sa bansa ng nasa 11,044 master cases ng mga pekeng sigarilyo at hindi pagbabayad ng buwis na tinatayang nagkakahalaga ng 215-million pesos.

Ayon sa Special Studies and Project Development Committee ng BOC, maituturing na peke ang mga sigarilyo dahil substandard ang mga kemikal na ginamit sa mga ito.

Ang taggant reader na ito ay ginagamit ng Bureau of Internal Revenue upang matukoy kung ang isang tax stamp ay authentic o totoo. Katulad nito kapag ginamit sa isang tax stamp. Makikitang ito ay tunay kapag ito ay kulay berde o green pero kompara sa isang pekeng sigarilyo o pekeng tax stamp ng isang produkto makikita nito na ang kulay nito ay kulay pula.

Nilinaw naman ng BOC na wala silang sinisingle out sa planong pagsasampa ng kaso.

Bagaman may mga hawak ng pangalan ang customs sa mga sangkot sa smuggling ng mga pekeng sigarilyo at tax stamps ay kailangan pa nilang pag-aralan ang iba pang angkop na kasong isasampa; maging ang kumpirmasyon sa mga pangalan batay sa mga nakalap nilang dokumento sa sinalakay na warehouse sa Pampanga.

(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,