Tauhan ng HPG na nagmamando ng traffic sa kahabaan ng Edsa, nasa mahigit 200 na

by Radyo La Verdad | September 16, 2015 (Wednesday) | 1736

LEA_HPG
Mula sa 170 ay umabot na sa mahigit 200 ang mga tauhan ng Highway Patrol Group na nagmamando hindi lamang sa anim na chokepoints kundi sa buong kahabaan na ng Edsa.

Ayon kay Deputy Director for Administration P/SSupt. Sheldon Jacaban, inilabas na rin nila ang mga tauhan na nasa opisina upang tumulong sa pagmamando ng traffic katulong ang MMDA at iba pang police unit.

Sinabi pa ni Jacaban na ipinatutupad na nila ang mas mahigpit na implementasyon sa batas trapiko.

Katunayan, kahapon nasa 15 pasaway na driver ang kanilang nahuli sa loob lamang ng isa at kalahating oras.

Kasama na rito ang isang miyembro ng Armed Forces of the Philippines na nag swerving at isang opisyal ng pulis na ilegal na nakaparada sa gilid ng Edsa.

Ipinaalala rin ng HPG sa mga motoristang nahuli at na isyuhan ng Temporary Operators Permit o T-O-P na kailangan nilang matubos ang kanilang lisensya sa loob ng 72 oras.

Aniya mas mataas na multa at maaaring maimpound ang sasakyan kung muling mahuhuli ang isang motorista gamit ang expired na T-O-P.

Dagdag pa ng HPG, huhulihin at iisyuhan na rin nila ng tiket ang mga nasisiraang sasakyan sa edsa dahil nakasasagabal ito sa maayos na daloy ng trapiko.(Lea Ylagan/UNTV Correspondent)

Tags: , ,