Ipiprisenta sa pagdinig ng Senado ngayong hapon ang tatlong testigo sa pagpatay kay Kian Lloyd Delos Santos. Hindi pa pinapangalanan ang mga ito ngunit menor de edad umano ang dalawa sa kanila, isang 13- at isang 16-anyos.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, nagbigay na ng sinumpaang salaysay ang mga testigo na gagamitin sa kasong isasampa sa mga pulis Caloocan na nakapatay sa binatilyo.
Nakausap na rin sila ng mga kinatawan ng CHR, NBI at Ombudsman ngunit hindi pa sila nakikita ng mga abogado ng Public Attorney’s Office.
Nais ng pamilya ni Kian na ilipat ang mga testigo sa kustodiya ng PAO ngunit ayon kay Hontiveros, mas panatag ang mga ito sa pangangalaga ng kanyang opisina.
Bibigyan din ng kopya ng salaysay ng mga testigo ang CHR, NBI at Ombudsman upang magamit sa kanilang imbestigasyon.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)