Tatlong sugatan sa tumagilid na AUV sa Quezon City, tinulungan ng MMDA at UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | July 5, 2018 (Thursday) | 13023

Habang nag-iikot ang UNTV News and Rescue Team pasado alas kwatro kaninang madaling araw nakatawag ng aming pansin ang tatlong lalaki na nakahiga at nakaupo sa kalsada.

Tumagilid pala ang sinasakyang nilang AUV sa Welcome Rotonda sa Barangay Sta.Teresita sa Quezon City. Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga biktima habang ang isang biktima na si Bryan Sy, 26 anyos ay may sugat sa noo, natanggal din ang isang ngipin nito at iniinda ang pananankit ang kamay at tuhod.

Nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang mga pinsala ni Bryan. Habang inasikaso naman ng MMDA Rescue ang dalawang kasamahan nito.

Pagkatapos na mabigyan ng first aid treatment ang mga biktima ay dinala na sa East Avenue Medical Center.

Ayon sa nakakita sa pangyari, bigla na lang tinumbok ng AUV ang gutter, dahil mataas ito kaya tumagilid na lang ang kanilang sinasakyan.

Ayon sa tauhan ng barangay, madalas ang aksidente sa lugar dahil hindi agad napapansin ang paikot na bahagi ng Rotonda.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,