Tatlong SC Associate Justices, haharap sa impeachment committee sa Lunes bilang mga resource person

by Radyo La Verdad | January 10, 2018 (Wednesday) | 2180

Tetestigo sa impeachment committee sa Lunes sina Associate Justices Antonio Carpio, Lucas Bersamin at Diosdado Peralta. Sila ang haharap sa mga kongresista upang ibigay ang kanilang mga nalalaman hinggil sa mga alegasyong nakasaad sa impeachment compliant ni Atty. Larry Gadon laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Kabilang pa rin sa grounds of impeachment na tatalakayin ng kumite ay ang betrayal of public trust at graft and corruptions. Pero naniniwala naman ang tagapagsalita ni CJ Sereno na hindi laban kay CJ Sereno ang sasabihin ng mga inimbitahang justices.

Nakapila na rin sa mga iiimbitahan ng kumite sina SC Associate Justice Andy Reyes, Mariano del Castilo at Samuel Martires. Habang babalik naman bilang resource persons sina Associate Justice Teresita Leonardo-de Castro at SC Court Administrator Justice Midas Marquez.

Naniniwala ang kampo ng punong mahistrado na hindi impeachable offense ang mga impormasyong lumabas sa  mga naunang pagdinig ng impeachment committee.

Gayunman, inaasahan na umano nila ang pagkilos ng mga kritiko ng chief justice para takpan ang anila’y depektibong impeachment complaint. Hamon ng grupo , kung may malakas na ebidensya ang reklamo ay agad na itong iakyat sa senado.

Ayon kay Impeachment Committee Chairman Reynaldo Umali, sa dami pa ng mga isyung dapat matalakay sa impeachment complaint, posibleng sa buwan Marso pa ito pagbotohan Kamara at kung makakuha ng sapat na boto, iaakyat na ito sa Senate impeachment court.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,