Mula kay Senador Risa Hontiveros, nasa kostodiya na ngayon ng Senado ang tatlong saksi sa pagpatay kay Kian Lloyd Delos Santos. Ito’y matapos makumpirma ng Senado na mayroon ng authorization letter mula sa magulang ng dalawang menor de edad na saksi.
Kahapon hindi natuloy ang executive session na hiniling ni Hontiveros dahil hinanap ni Senador Panfilo Lacson ang authorization letter. Una nang nagpahayag ng pangangamba si Senador Hontiveros na mayroong mga nagnanais impluwensiyahan ang mga saksi. Ito ay matapos umanong alukin ng Department of Justice ang pamilya ng tatlong witness na sumailalim sa Witness Protection Program.
Giit naman ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II, may kakayahan sila na mangalaga ng mga minor witnesses. Hinamon naman ni Senate Minority Leader Senator Franklin Drilon si Secretary Aguirre na ipaubaya ang imbestigasyon ng kaso sa Office of the Ombudsman upang maalis ang anumang duda na posibleng hindi maging patas ang imbestigasyon laban sa mga pulis na sangkot dito.
(Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent)
Tags: Kian Delos Santos, saksi sa pagpatay, Senado