Tatlong Russian vessels, nasa bansa para sa 5-day visit

by Radyo La Verdad | October 20, 2017 (Friday) | 1962

Pasado alas nueve ng umaga nang isagawa sa Manila South Harbor ang arrival ceremony para sa tatlong Russian Navy vessel. Ang Russian destroyers na Admiral Penteleyev 548 at Admiral Vinogradov 544 ay malalaking anti-submarine ship habang ang Boris Butoma ay isang large sea tanker ng Pacific fleet.

Ang mga ito ay mananatili ng limang araw sa bansa bilang bahagi ng isasagawang hand over ng mga special military equipment na ibibigay ng Russia sa Pilipinas.

Kasabay ng pagdating ng Russian vessels ang official visit sa Pilipinas ni Russian Defense Minister Sergey Shuygoy na kalahok sa 4th ASEAN Defense Minister Meeting  na gaganapin sa bansa.

Ayon sa isa sa mga Russian dignitaries na dumating sa bansa, makasaysayan  ang pagtatagpo ng hukbong pandagat ng dalawang bansa maging ang pagkikita ng ASEAN defense ministers sa Pilipinas.

Ayon naman kay Commodore Gabudao ng Armed Forces of the Philippines, ang pagdalaw ng Russian Navy sa bansa ay manipestasyon ng matatag na samahan ng Pilipinas at Russia.

Bukod sa hand over, magkakaroon din ng confidence building activities, goodwill games, send-off ceremony with customary passing exercise o Passex ang Philippine at Russian Navy sa mga susunod na araw.

Highlight naman ng pagbisita ng Russian Navy ay ang Ceremonial Handover ng donasyong special military equipment kay Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na linggo.

Darating naman bukas sa Port of Subic, Olongapo City ang dalawa pang Russian vessels na Nikolay Vilkov 081, isang malaking landing ship at ang Foty Krylov isang rescue tug para sa unloading ng mga donasyong military equipment.

Magtatagal din ang dalawang malaking baro sa Olongapo City hanggang sa October 25.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,