Tatlong pulis na umano’y sangkot sa kasong robbery-extortion, arestado sa entrapment operation ng QCPD

by Radyo La Verdad | January 20, 2017 (Friday) | 1124

GRACE_HULI
Hawak na ngayon ng pulisya ang tatlong pulis at isang sibilyan na suspek sa pangingikil sa isang mag-ina sa Quezon City.

Nahuli ang mga ito sa entrapment operation ng Quezon City Police sa Barangay Talipapa matapos isumbong ng mga biktima.

Ayon sa biktimang itinago sa pangalang Nena, dumating sa kanilang bahay ang mga pulis dala ang isang warrant of arrest para sa kanyang anak na umano’y nahaharap sa kasong qualified theft.

Subalit nanghingi umano ang mga ito ng 120-thousand pesos para hindi na nila hulihin ang kaniyang anak.

Nakipagtawaran pa umano si Aling Nena hanggang sa nagkayarian sila sa halagang 70-thousand pesos.

Nahaharap sa kasong criminal at administratibo ang mga pulis na sina:
PO3 Aprilito Santos
PO3 Joseph Merin at
PO3 Ramil Dazo

Kasama ang isang sibilyan na kinilalang si Gaudensio Yu Jr.

Nakumpiska sa mga ito ang kanilang service firearms, celphone at isang sasakyan.

Samantala, sa hiwalay na entrapment operation ay nahuli rin ang isang MMDA officer na inireklamo rin ng pangingikil sa isang truck driver.

Kwento ng biktima, limang beses na siyang hinuhuli at hinihingan ng pera ng suspek kahit wala umano siyang violation.

Inaalam na ngayon ng QCPD kung may iba pang kasabwat ang mga ito at kung gaano na katagal ang ganitong modus operandi.
Desidido ang mga biktima na magsampa ng kaso laban sa mga naarestong pulis at MMDA officer.

(Grace Casin / UNTV Correspondent)

Tags: ,