Tatlong naaksidente sa motorsiklo, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | October 3, 2017 (Tuesday) | 2940

Nakabulagta sa kalsada ang dalawang binatilyo nang datnan ng UNTV News and Rescue Teams sa intersection ng Quirino Highway at Mindanao Ave., brgy Talipapa Quezon City pasado alas dose ng hating gabi kanina. Ang isa pang kasama nila, nakaupo naman  sa gilid ng kalsada.

Sugatan ang tatlong menor de edad matapos bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa trailer truck na papakaliwa sana sa Mindanao Ave.

Agad na nilapatan ng pangunang lunas ng dalawang rescue units ng UNTV ang mga binatilyo.

Iniinda ni Boyet Antonio, 15 anyos ang malalim na sugat sa kaliwang braso, mga sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan at kaliwa nitong hita na posibleng may bali.

Malalim na sugat naman sa kaliwang braso at sugat sa ilalim ng kaliwang tuhod ang tinamong linsala ni Dexter dela Cruz, 15 anyos.

Habang pamamaga ng kaliwang tuhod, mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at malaking bukol sa noo ang tinamo ni Carl Aldrich dela Cruz, 15 anyos.

Ayon sa brgy. Ex-O ng brgy. Talipapa, matulin ang takbo ng motorsiklo bago ang aksidente.

Hinabol umano ito ng brgy. Tanod at pulis mula sa Novaliches makaraang takbuhan ang checkpoint sa lugar.

Aminado ang mga binatilyo sa maling ginawa, subalit natakot lang daw sila dahil wala silang lisensya at helmet kaya nila tinakbuhan ang mga pulis.

Matapos bigyan ng first-aid ay agad nang isinugod sa Quezon City General Hospital ang tatlong menor de edad.

 

( Asher Cadapan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,