Tatlong lugar sa bansa kung saan nakita ang Ebola Reston Virus sa mga unggoy, inoobserbahan na ng DOH

by Radyo La Verdad | September 9, 2015 (Wednesday) | 2950

DOH-SEC-GARIN
Tatlong lugar sa bansa ang inoobserbahan na at sinusuri na rin ng Department of Health kaugnay ng natuklasang strain ng Ebola Reston Virus sa mga unggoy.

Ayon kay DOH Secretary Janette Garin, nag negatibo na sa virus ang mga handler o nag-aalaga sa mga unggoy na apektado ng virus.

Tumanggi naman ang DOH na ihayag ang tatlong lugar na kanilang inoobserbahan upang hindi mag-panic ang publiko.

Gayunman tiniyak ng DOH na ang strain ng Ebola Reston Virus na natagpuan sa mga unggo’y ay hindi katulad ng ebola virus na pumatay ng may 30-libong tao sa West Africa.

Binigyang diin ng kalihim na ebola reston ay hindi nakaka-apekto sa tao.

Samantala kasalukuyan na rin pinag-aaralan ng Health Department ang mga lumalabas na ulat na umano’y nangunguna ang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng HIV sa Asean Region.

Ayon kay Sec. Garin, isa sa maaaring dahilan nito ay naging pursigido ang pamahalaan sa HIV free testing.

Gayunman ginawa naman aniya ng pamalahaan ang lahat upang ma-control ang paglaganap ng sakit

Kasabay naman ng pagdami ng mga nagkakaroon ng sore eyes, nagbabala ang DOH sa publiko na huwag bumili ng mga eye-drop na ibinebenta sa mga bangketa.

Ayon kay Dr. Lyndon Lee-Suy, tagapagsalita ng DOH hindi ligtas ang mga gamot na hindi nabibili sa drugstore.

Maaari pa aniya itong magdulot ng impeksyon sa gagamit nito.

Samanatala ang DOH ay may 2016 proposed budget na 126 billion pesos.

Sa pagdinig sa kamara sinabi ni Sec. Garin, kasama sa kanilang target sa susunod na taon ay ang pagdadagdag ng mga doktor, nurses, dentist at medical technologist sa mga malalayong munisipalidad.

Isa rin aniya sa kanilang ikinukunsidera sa susunod na taon ay ang pagtataas ng sweldo sa mga hospital worker. (Grace Casin / UNTV News )

Tags: ,