Nakaupo sa gitna ng kalsada at iniinda ang pananakit ng kanang paa ng madatnan ng UNTV News and Rescue team. Si Rhea Redoban, 32 anyos matapos bumangga sa Center Island ang sinasakang motorsiklo pasado alas dose noong Sabado ng madaling araw sa Araneta-Tangub Street Bacolod City.
Aminado ang biktima na mabilis ang takbo ng motorsiklo at madilim din ang bahagi ng kalsadang pinangyarihan ng aksidente. Nagtamo ng posibleng bali sa kanang paa at gasgas sa kaliwang kamay at paa ang biktima na agad nilapatan ng paunang lunas ng UNTV Rescue saka inihatid sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital. Nilapatan naman ng first aid ng Amity Volunteer Fire Brigade at Rare Rescue Volunteers ang dalawang babaeng angkas nito.
Samantala, walang malay at nakadapa sa inaayos na drainage system ang motorcycle driver na si Edwin Sayo, 35 anyos nang madatnan ng UNTV News and Rescue pasado ala una noong Sabado ng madaling araw sa Mandalagan Street, Bacolod City.
Ayon sa mga nakasaksi, posibleng lasing ang biktima at mabilis ang takbo ng motor nito kaya nahulog sa drainage. Nagtamo ito ng sugat sa baba na agad nilapatan ng paunang lunas ang biktima pagkatapos ay dinala na ito sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.
Samantala tinulungan din ng UNTV News and Rescue si Roberto Delijero 56 anyos matapos mahulog sa tulay alas dos ng madaling araw noong Sabado sa Lacson extension Street, Bacolod City.
Kwento ng biktima, lasing ito habang naglalakad sa gilid ng tulay kaya ito nahulog. Inirereklamo nito ang pananakit ng kanyang likod at kamay dahil sa pagkabagsak sa semento. Matapos lapatan ng paunang lunas ang biktima ay dinala na ito ng grupo sa pinakamalapit na ospital.
(Lalaine Moreno / UNTV Correspondent)