Handa na ang mga rescue unit mula sa iba’t ibang bayan ng Bulacan na lalahok sa isasagawang shake drill sa Metro Manila bukas.
Ang mga bayan ng San Jose del Monte City, Donya Remedios Trinidad at Norzagaray ang main participants sa drill na bahagi ng paghahanda sa posibleng pagtama ng magnitude 7.2 na lindol.
Ang mga bayang ito ay kabilang sa mga matinding maaapektuhan ng lindol sakaling gumalaw ang West Valley Fault.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction And Management Council, mag-uumpisa ang shake drill sa ganap na ala-syete ng umaga bukas at iba’t-ibang senaryo ang isasagawa gaya ng collapsed structure, mass casualty incident, landslide at mass evacuation sa Barangay San Isidro sa San Jose del Monte, Brgy. Bayabas sa DRT at sa Brgy. San Mateo at San Lorenzo sa Norzagaray.
Maglalagay din ng incident command system pati na ng medical response sa mga biktima gayundin ng relief operations at management sakaling may masawi o masaktan.
Magsisilibi namang evaluator ang rescue units mula sa Olangapo, Pampanga at Tarlac sa isasagawang malawakang shake drill bukas.
Isa na rin ito sa mga paraan upang masubok ang kahandaan ng local government units sa pagtugon sa kalamidad gaya ng lindol.
(Nestor Torres / UNTV Correspondent)
Tags: Metro Manila shake drill bukas, tatlong bayan, West Valley Fault sa Bulacan