Ikinababahala pa rin ng United Nations Childrens Fund (UNICEF) ang mataas na bilang ng mga batang Pilipino na nakararanas ng pang-aabuso sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Lumalabas din sa hawak na ulat ng UNICEF at Council for the Welfare of Children na kadalasan sa mga batang naabusong pisikal at sexual ay nasa edad 3 hanggang 17 taong gulang, at madalas ay malapit sa pamilya o kamag- anak rin ng biktima ang salarin.
Ayon pa sa UNICEF, kadalasang sinasamantala ng mga perpetrator ang kawalang kamalayan ng mga biktima at takot ng mga ito na magsumbong.
Bunsod din ng sunod-sunod na ulat ng mga pang-aabuso sa loob at labas ng paaralan, muling nagpapaalala ang DepEd sa mga paaralan sa kahalagahan ng Child Protection Committee.
Batay sa DepEd Order No. 40 o Child Protection Policy, inoobliga nito ang mga paaralan na magtatag ng isang komite upang kalingain at gabayan ang mga kabataang biktima ng anomang uri ng pang-aabuso.
Binubuo ang komite ng mga guro, guidance counselor, student council at maging ng kinatawan mula sa nakakasakop na barangay sa isang paaralan.
Samantala, natataon din ang summit pagkatapos ng napaulat na insidente ng panununog ng mga gamit ng mga estudyante sa Bicol Central Academy.
Kaya naman nagpapaalala rin ang isa sa mga child protection specialist na hindi kinakailangang patawan ng violent disciplinary action ang mga estudyanteng nakalalabag sa anomang school policy.
Tapos na ang imbestigasyon ng DepEd sa insidente at may nakikita na silang posibleng maging parusa sa naturang paaralan.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: DepEd, school policy, UNICEF