METRO MANILA, Philippines – Tinanggal na sa serbisyo ang 3 sa 13 tinaguriang ninja cops. Ang pagkaka dismiss ng mga ito ay may kaugnayan sa pagkakasangkot din nila sa kontrobersyal na drug raid sa Antipolo, Rizal noong Mayo.
Kinilala ang mga ito na sina Police Master Sergeant Donald Roque, Police Master Sergeant Rommel Vital at Police Corporal Romeo Encarnacion Guerrero Jr.
Samantala muling pina-iimbestigahan ni PNP Officer in charge Police Lieutenant General Archie Gamboa sa Internal Affairs Service ang kaso ni Police Lieutenant Joven De Guzman na dawit din sa Antipolo drug raid at kasama sa mga tinaguriang ninja cops.
Una ng pinatawan ng 59 day suspension si De Guzman dahil sa kontrobersyal na raid noong Mayo pero nais ni gamboa na matanggal din ito sa serbisyo.
“We cannot close our eyes. Kasi nandun mismo sa ebidensya eh. Sa course ng investigation, lumalabas, hindi, mas may malaki kang kasalanan. That is why it is remanded back to IAS.” ani PNP OIC Police Lieutenant General Archie Gamboa.
Ayon naman kay Gamboa, ma-aari pa ring maghain ng motion for reconsideration ang mga na-dismiss na pulis. Samantala ipina-uubaya naman ng PNP sa Department Of Justice ang paghahain ng kasong kriminal laban sa mga tinaguriang ninja cops habang sa National Police Commission (NAPOLCOM) naman ang magsasampa ng kasong administratibo.
Tiniyak naman ni Gamboa na tatalima sila sa kalalabasan ng imbestigasyon ng DOJ kaugnay sa maanomalyang 2013 Pampanga drug raid.
(Harlene Delgado | UNTV News)
Tags: DOJ, PNP, “ninja” cops