Tatlo, patay sa magkahiwalay na operasyon ng PNP Malolos, Bulacan

by Radyo La Verdad | September 27, 2017 (Wednesday) | 3499

Patay ang tatlong hinihinalang drug pusher  matapos umanong manlaban sa isinagawang drug buybust operation sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Malolos, Bulacan kaninang madaling araw.

Sa isinagawang operasyon sa Malanggam Road, Barangay Bulihan, patay ang dalawang hinihinalang tulak ng droga matapos na makipagbarilan umano sa mga otoridad.

Nagpanggap nabibili ng shabu ang isang pulis sa halagang P500 pero pinaputukan umano sila ng mga suspek nang matunugang pulis pala ang katransaksyon.

Ayon kay Malolos PNP Chief Police Superintendent Heryl Bruno, nasa drugs watchlist ang dalawang nasawi na sina Andrew “Pito” Santiago at Lynard Crisostomo.

Nakuha mula sa dalawa ang baril, granada, limang plastic ice bag at 11 sachet na may laman ng hinihinalang marijuana, at walong maliliit na sachet ng hinihinalang shabu.

Samantala, sa kabilang barangay na pinagbakahan patay rin ang isang drug suspect na si Marvin Lontoc matapos ring manlaban umano sa mga pulis alas kwatro kaninang madaling araw.

Dati ng sumuko si Lontoc sa oplan tokhang subalit tuloy-tuloy parin umano ang pagtutulak  nito ng  droga sa parteng Malolos.

Narecover kay Marvin ang isang kalibre trentay otsong baril, apat na sahet ng shabu at mga aluminum foil.

 

( Nestor Torres / UNTV Correspondent )

 

Tags: , , ,