Tatlo, arestado sa pamemeke ng import documents sa Maynila

by Radyo La Verdad | February 9, 2017 (Thursday) | 966


Arestado ang tatlong suspek sa magkahiwalay na operasyon ng National Bureau of Investigation sa Recto Area sa Maynila dahil sa pamemeke umano ng import documents.

Kinilala ang mga suspek na sina Ofelia Ollave, Jocelyn Amancio at Ruben Flores na nahaharap sa reklamong falsification.

Hiniling ng Bureau of Customs ang tulong ng NBI matapos matuklasang namemeke ng AFTA o ASEAN Free Trade Area Certificates ang mga suspek at ibinebenta sa halagang anim na libong piso bawat isa.

Ayon sa Customs, daan-daang milyong piso bawat buwan ang nawawala sa gobyerno dahil sa mga pekeng AFTA certifcate na ginagamit ng mga importer.

Aminado ang opisyal na malaki ang tsansa na makalusot ang mga pekeng dokumento lalo na’t libo-libong transaksyon ang kanilang pinoproseso araw-araw.

Hihilingin din ng Customs ang tulong ng ibang bansa upang matiyak na hindi basta-basta mapepeke ang iniisyu nilang certificate.

Hindi rin inaalis na posibleng may kasabwat ang mga suspek sa loob ng Customs.

Kakasuhan din at tatanggalan ng accreditation ang mga importer na mapatutunayang gumagamit ng mga pekeng dokumento.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: ,