Tatay ng batang nambully sa kapwa estudyante sa Ateneo, hindi pulis – PNP Chief

by Jeck Deocampo | December 25, 2018 (Tuesday) | 15355

METRO MANILA, Philippines – Hindi isang pulis ang ama ng junior high school student sa Ateneo de Manila University na nanakit sa kapwa nito mag-aaral.  Ayon kay Philippine National Police Chief Oscar Albayalde, mali ang mga kumalat na balita na miyembro ng PNP ang tatay ng bata.

Ani ng pinuno ng pambansang pulisya, “May kinakalat sila na ang ama daw ay pulis, hindi po totoo yan. Hindi po totoo na ang father nung bully na ‘yun ay pulis. Hindi po totoo ‘yan. Well I hope someday, that person, that bully makakatugma din ‘yan. Makakatapat din ‘yan ‘yung mga bully na ganyan.”

Ayon pa kay Albayalde, wala pa silang natatanggap na pormal na reklamo mula sa pamilya ng mga estudyanteng naging biktima ng pambubully. Subalit nagpa-blotter na sa himpilan ng pulisya sa Quezon City ang isa sa biktima.

Ipinag-utos naman ni Albayalde sa anti-cybercrime group ng PNP na imbestigahan kung bakit aabot na sa 75 ang social media accounts ng batang bully.

Tags: , , , , ,